You are here
Home > Uncategorized > Philippine Aviation Reforms: Kailan Pa?

Philippine Aviation Reforms: Kailan Pa?

Una sa lahat, paumanhin na hindi ako nakasulat ng blog entries kamakailan dahil sa mga kaganapan sa unibersidad ko dito sa San Francisco. Ngunit, sa ilang linggo ko ring pamamahinga, nakaisip tuloy ako ng panmatagalang paksa na pag-uusapan ko dito sa In Translation: ang reporma sa Philippine Aviation (paksang panghimpapawid ng Pilipinas).

Sa ilang linggo kong paghanap ng mga impormasyon, balita, at kuro-kuro sa mga kaganapan sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), marami akong nasagap na mga kaganapan sa ahensya, ang pinakapatok ay tungkol sa landas tungo sa pag-angat ng Federal Aviation Authority (FAA) rating ng Pilipinas mula Category 2 papuntang Category 1. Ang Category 1, sa madaling sabi, ay isang kategoryang binibigay sa bansa na sumusunod sa mga alintuntuning inilahad ng FAA tungkol sa seguridad sa mga serbisyong panghimpapawid at tuwid ang mga batas na nauukol sa pagpapatakbo ng mga ahensyang nag-uukol sa transportasyong panghimpapawid.

Ang Category 2, na kung saan kasama ang Pilipinas, ay isang kategoryang binibigay sa bansa na maaaring kulang sa pagpapatupad ng kahit isang batas tungkol sa pamamahala ng ahensyang panghimpapawid na tulad sa mga international standards, o kulang sa pagtatalaga ng mga standards sa civil aviation authority ng isang bansa, na inilathala ng FAA sa mga miyembrong bansa, tulad ng kakayanang panteknikal, trained staff, record keeping, at mga alintuntunin sa pag-inspeksyon ng mga eroplano at personnel.

Ibinaba ang safety rating ng Pilipinas noong Enero 2008 mula Category 1 papuntang Category 2 buhat sa International Aviation Safety Assessment program ng FAA mula noong nag-inspeksyon ang mga opisyal noong Disyembre 2007. Sinabi ng FAA na marami ang pagkukulang ng bansa ukol sa mga batas at alintuntuning dapat inilathala ng pamahalaan upang maging mas-istrikto ang pamumuno ng dati-rating Aviation Transportation Office, na isinara noong 2008. 

Mula sa inisyal na 88 na bagay na dapat baguhin ng CAAP at ng pamahalaan, bumaba sa 23 na bagay na kritikal para iangat ang antas ng bansa mula Category 2 papuntang Category 1. Sabi ng CAAP, “minor” lang daw ang gagawing mga pagbabago; sa palagay ko, kahit minor ang mga pagbabago, malaki kung tutuusin ang maitutulong kung gagawin nang agaran ang mga pagbabagong inilathala ng FAA para mabilis iangat ang antas. Ang nakikita kong problema sa CAAP kaya hindi agad-agad matapos ang problema: pabago-bago ang pamamahala sa ahensyang ang layunin ay panatilihin ang kaayusan ng ating mga eroplano at paliparan, kasama na ang pagpapanatili ng mga batas at alintuntunin na nauukol sa kaligtasan ng mga pasaherong gumagamit ng ating mga eroplano at paliparan sa buong bansa, at panatilihin na naaayon sa pandaigdigang antas ang ating mga batas at sistema na ipinapatupad sa bansa. Walang sistema ng disiplina at integridad akong nakikita sa CAAP, kaya tama nga na nadismaya si DOTC secretary Mar Roxas, hindi dahil sa mga obserbasyon ng FAA panel ukol sa technical review na ginawa noong Enero ngayong taon, kundi dahil sa mabagal na pag-usad ng mga repormang dapat ginagawa ngayon ni Director General Gutierrez upang mapabuti at maging mas-matatag ang estado ng CAAP.

Kailan ba matututo ang ating pamahalaan na kahit na marami nang pagbabago ang ginawa ng CAAP, kulang pa rin sa mata ng mga dayuhan? Kailan ba babangon sina Pangulong Noynoy Aquino at Director General Gutierrez sa mga hamon at pagbabagong dapat gawin upang maging mas-katanggap-tanggap ang estado ng CAAP sa mata ng FAA, European Union, at ng International Civil Aviation Organization (ICAO)? Kailan ba masasabing “It’s More Fun in The Philippines”: kung babagsak pa lalo ang estado ng organisasyong panghimpapawid ng bansa na napag-iiwanan na tayo ng ibang bansa dahil sa korupsyon sa CAAP? Ang sagot: kung tayo-tayo, mga Pilipino, ay magkakaisa at hamunin nang marahas ang ating mga opisyal na iwasan na ang “bahala na” at aksyunan na ang mga kailangang baguhin. Ang aking solusyon sa pagbabago ng CAAP para umunlad ang turismo sa ating bansa:

  • Iwaksi ang mga corrupt sa CAAP. Dapat nang tanggalin sina Director General Gutierrez at iba pang mga tauhang napatunayan na appointed lang ng Pangulo at dapat italaga ang mga taong bihasa sa mga responsibilidad at bukas sa mga reporma para sa ikakaganda at ikakaunlad ng industriyang panghimpapawid ng Pilipinas.
  • Tanggalin na ang mga loopholes na ginagamit ng CAAP ngayon at ng ATO noong panahon ni Pangulong Arroyo upang makagawa ng mga palusot at gawing mas-maayos, mas-simple, at standardized ang mga alintuntunin at batas ukol sa mga responsibilidad ng mga namumuno at nagtatrabaho sa CAAP, pati na ang pagsusuri sa mga piloto at mga airline para maging mas-kapaki-pakinabang at de kalidad ang mga taong nagpapatakbo ng ating mga eroplano at mga paliparan sa bansa.
  • Dapat ipagmadali na ang pagbabasura ng Common Carriers Tax at Gross Philippine Billings Tax na isinusulong ngayon sa Kongreso. Maaring may tumanggi sa pagbuwag ng dalawang buwis, ngunit, malaki na maitutulong ang pagbasura niyan sa ikauunlad ng turismo sa bansa sa pamamagitan ng pagbaba ng pasahe sa mga dayuhang bisitang pupunta sa bansa at mas-magandang kumpetisyon sa mga finished products na inaangkat natin mula sa ibang bansa.

Ngayon ang tamang oras sa pagbangon at pagbabago. Ngayon ang tamang panahon sa pagsulong ng repormang panghimpapawid. Sana tuloy-tuloy na ang pagbabago sa CAAP at NAIA upang matamo ng pamahalaang Aquino ang target na 10 milyong turistang dadalaw sa ating bansa sa 2016.

0 thoughts on “Philippine Aviation Reforms: Kailan Pa?

Leave a Reply

Top