You are here
Home > Uncategorized > Corona, Kokoronahan na ba ng Samu’t-Saring Kaso?

Corona, Kokoronahan na ba ng Samu’t-Saring Kaso?


Picture

Sina dating Pangulong Gloria Arroyo at Chief Justice Renato Corona, 2010 (Inquirer/The B Reps)

Marahil ay isang haka-haka lang ito, ngunit, maaari ba nating sabihin na mauulit ba ang nangyari noong impeachment ng dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada at mauuwi sa People Power ang kasalukuyang impeachment proceedings kay Chief Justice Renato Corona? Maari rin bang sabihin na ang pag-i-impeach kay Corona ay isang hakbang tungo sa paglilinis ng pamahalaang Aquino, o ginagawa lang itong ningas cogon at gagawin lang front ng kasalukuyang administrasyon para maipakita lang sa tao kung gaano katapang ang pamamahala ngayon? Maaari rin ba nating sabihin na sa pamamagitan ng pagtatanggal sa pamahalaan ng isang Chief Justice ay mabibigyang-hustisya rin ang mga katiwalian at kaganiban na nangyari noong nasa pamamahala sina Arroyo at ang kanyang mga miyembro ng gabinete? Iilan lang iyan sa mga napakaraming tanong na pumasok sa aking isipan sa pagsisimula ng impeachment trial kay Chief Justice Corona, na tinaguriang kauna-unahan sa kasaysayan ng Republika ng Pilipinas dahil wala pang huwes na nagsilbi sa Supreme Court ang inimpeach ng lehislatura at ng mamamayan.

Kung tutuusin, may dahilan rin si Pangulong Aquino kung bakit sa ibang huwes siya nanumpa noong Hunyo 30, 2010 sa Quirino Grandstand: si Corona ay itinalaga ng dating Pangulong Arroyo bilang isa sa mga huling (midnight) appointees sa Supreme Court, na ang sabi ng nakakarami ay isang huwad at hindi karapat-dapat dahil hindi sang-ayon sa batas na umiiral sa bansa, lalo na noong panahon na siya’y itinalaga ay panahon ng halalan. Ngunit, hindi rin sapat na dahilan kung bakit sa ibang huwes nanumpa si Pangulong Aquino: kung babasehan ang mga patakaran ukol sa paghihirang ng bagong Pangulo, dapat sa Chief Justice manumpa ang bagong-halal na Pangulo sa harap ng mamamayang Pilipino, hindi sa isang associate judge. Sa aking palagay, may karapatan ang bagong-halal na Pangulo na manumpa sa ibang huwes kung may kaukulang dahilan na naaayon sa nakakaraming tao, at kung pagbabasehan ang track record ni Corona na inilalathala ngayon sa Senado, siguro nga na tama ang hakbang na ginawa ni PNoy para makasuhan ang Chief Justice ng bansa.

Ang aking paghuhusga kay Corona, base sa mga inilabas na dokumento sa Senado noong nakaraang linggo, ay isang guilty na huwes na dapat ikulong dahil ginamit niya ang kanyang kapangyarihan sa pagmamanipula ng mga batas na nagbibigay-pabor sa dating administrasyon at humahamon sa malinis at tuwid na pamamalakad ni Aquino. Buhat sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, at Net Worth, ginamit niya ang pera ng bayan at buwis ng mamamayan para sa pansariling interes (hindi natin maaaring sabihin na nakinabang rin ang kanyang pamilya) at winaldas ang pera mula sa mga paghuhusgang dumaan sa kanyang kamay bago wakasan ang mga kaso, para rin sa kanyang pansariling interes. Hindi ko man napanood ang impeachment trial, ngunit, ang aking opinyon sa mga huwes na sumusuporta kay Corona ay may mga pagkukulang sa pag-iisip sa mga nakaambang mga parusang maaaring ibato kay Corona kung siya’y huhusgahan ng Senado. Hindi sapat ang dahilang gusto kong ipaglaban ang ginawa ni Corona sa Supreme Court kung pagbabasehan ang mga tagong-yaman na itinago niya mula sa paningin ng mga mamamayan; bagkus, isa lang itong frame-up para itago ang totoong baho ng Chief Justice para hindi siya mabuking — lalo na’t nakasalalay rin kung guilty ang dating Pangulong Arroyo sa mga kasong korupsyon at pandarambong.

Isa itong leksyon sa mga opisyal ng ating pamahalaan ang impeachment trial na dinadanas ngayon ni Corona sa malinis na pamamahala. Kung isa kang matinong opisyal ng gubyerno, wala ka dapat na ikakatago o ikakahiya sa ibang tao dahil tapat ka sa iyong ginagawa at inaamin mo ang iyong mga pagkukulang at pagkakamali. Lahat tayo ay nagkakamali at nagkukulang, ngunit, kung ginagawa natin ito nang patago at kakaunti lang ang nakikinabang sa mga gawain mo, marahil ay may magbubuking sa iyong ginagawa na maaaring dahilan sa iyong pagkakatanggal sa serbisyo. Kung walang korupsyon, walang makikinabang sa masamang gawain ng ibang tao, at uunlad ang ating bansa — iyan ang dapat nating tandaan.

Leave a Reply

Top