You are here
Home > Uncategorized > Lupang Hinirang: Lupa Ka Nga Ba Ng Mga Magigiting?

Lupang Hinirang: Lupa Ka Nga Ba Ng Mga Magigiting?

Isang linyang hango sa ating pambansang awit, Lupang Hinirang, ay may linyang “duyan ka ng magiting”. Anong ibig sabihin nito sa pangkasalukuyang konteksto ngayon? Marahil ay dahil sa tinatamasa nating kalayaan ay nakapaggawa na tayo ng marka sa mundo na ang mga Pilipino ay matapang at kayang makipagsabayan sa ibang mga lahi. Ngunit, dahil sa pag-unlad ng ating bansa, may mga nalilimutan na yata tayong mga magagandang pag-uugali na napalitan na ng mga ugaling hindi kanais-nais: ang pagiging makabayan ay napalitan na ng “globalization”, ang bayanihan ay naging palaitan ng kapwa, ang maka-Diyos–na hango sa Panatang Makabayan–naging gahaman at mayabang. Sigurado ba tayo sa tinatakbo ng ating bansa na tayong mga Pilipino ay talagang magigiting, o nagpapanggap lang tayo sa ibang lahi para lang tayo’y maging “in”?

Picture

FM Declares Martial Law/Wordpress

Hindi madaling isipin na sa paglipas ng panahon–at sa pagdaan ng maraming Pangulo–naiiba na ang mukha ng Pilipinas sa mundo. Noong dekada-50 (1950s), ang Pilipinas ay ang ikalawa sa pinakamaunlad na bansa sa Asya; Japan lang ang nauna. Ngunit, noong panahon ng Batas Militar (Martial Law), nahadlang–kung hindi namatay–ang ating pag-unlad sa buong rehiyon dahil sa katiwalian, kaguluhan, at kapahamakan na tinamasa at binato ng rehimeng Marcos sa ating lipunan. Siguro nga, naging mas-maayos ang bansa dahil bumaba ang krimen at lumago ang ekonomiya at umasenso ang ating lipunan; tandaan na ang Batas Militar ay isa ring doble-karang espada (double-edged sword) na sumira sa reputasyon ng ating bansa dahil sa pag na ang naging resulta ay ang paglalim ng kahirapan sa ating mga kababayan. Iyan ba ang ibig talagang sabihin ng “duyan ka ng magiting”: dahil sa kapabayaan at pagwawaldas ng pamahalaan, nalugmok ang Pilipinas sa isa sa mga pinakamahirap na bansa sa Asya, kundi ng mundo? Sumuko ba tayo sa mga pananakot ng pamahalaan dahil hindi tayo naging mulat sa mga katotohanan ng pamumuno ni Marcos? Hindi. Kung walang People Power Revolution, hindi natin naituldok ang mga katiwaliang ginawa nina Ferdinand at Imelda; kung wala sina Ramos at Enrile na tumiwalag sa pamahalaan noong Pebrero 1986, maaaring dumanas tayo ng “civil war” na ikinatapos sana ng milyun-milyon nating mga kababayan. Naging magiting tayo sa pakikipaglaban laban sa isang huwad na diktadura.

Noong panahon ni Pangulong Gloria Arroyo, may mga haka-haka na dahil sa kaguluhan sa Mindanao (na nangyari rin noong panahon ni Marcos) ay ilalagay niya ang bansa–kung hindi lang ang Mindanao–sa Batas Militar, isang motibong ikinabahala ng sambayanan dahil maaaring gamiting muli ang taktikang ito sa pangingikil ng mga karapatang pantao at pagwasak ng ating ekonomiyang itinayo mula noong panahon ng dating Pangulong Fidel V. Ramos. Marahil ay ipinatupad ito sa ARMM (Autonomous Region in Muslim Mindanao) para lusubin ng mga militar ang kuta ng mga teroristang grupo tulad ng Abu Sayyaf at Jaamal Islamiya. Pero, ang pinakanakakabahala ay ang implikasyong maipapakita nito sa paningin ng ibang bansa: mabuti na lang na hindi itinuloy ni Arroyo ang Batas Militar; ipinalit naman nito ay ang mga “under-the-table deals” na naging dahilan ng pagbulusok ng “trust ratings” ng mga Pilipino sa pamahalaan.  Sa kontekstong ito, maaari pa ba natin sabihin na ang Pilipinas ay lupa ng mga magigiting dahil sa hindi wastong pamamalakad ng ating pamahalaan at pinagtutuunan lang ng pansin ang kanilang pansariling kapakanan? Papaano ba natin maisasalba ang ating reputasyon na tayo ay isang masipag, matatag, at magiting na mamamayan? 


Picture

NAIA Terminal 2/Picasa Images

Mukhang kung kakayanin lang natin, maaari tayo maging Overseas Filipino Workers (OFWs) at magtrabaho sa iba’t-ibang panig ng mundo para makapaghatid ng kahit kaunting kaginhawaan sa ating mga pamilya. Ang sahod na ipinapadala ng mga OFW natin ay katumbas ng dugo, pawis, at sakit na dinadaing ng ating mga kababayan sa ibang bansa, na kung minsan lang sa isang taon–o kaya napakaraming taon–umuwi sa Pilipinas para makapiling ang kani-kanilang mga pamilyan. Sabi nga noon ni Pangulong Arroyo, ang OFW ay ang mga bagong bayani natin dahil sa kanilang walang-katapusang kasipagan, katatagan, at kagitingan na tinatamasa sa mga trabahong ginagawa nila na inaalay sa mga mahal nila sa buhay sa Pilipinas. Milyun-milyong mga OFW ang nagtatrabaho sa iba’t-ibang bansa, mula Amerika hanggang Australya, Saudi Arabia hanggang Singapore, at inaasahang dadami pa ang mga gustong magtrabaho sa ibang bansa para matulungan ang kanilang mga pamilyang mairaos mula sa kahirapan. Sa aking palagay nga lang, dapat na ring tuunan ng pansin ng ating pamahalaan kung papaano paunlarin ang mga trabahong inaalok sa Pilipinas dahil napakalaki ng ating manpower na maaari nating gamitin para palaguin ang ating ekonomiya, na pupwedeng isalin sa mas-maunlad at mas-produktibong mamamayan. Iyan po ang ibig sabihin ng “duyan ka ng magiting”: kahit na napakaraming hinaing ikinakaharap nating mga Pilipino, masigasig pa rin nating hinaharap ang mga hamon sa buhay at binibigyan natin ng karampatang lunas para sa ikauunlad ng ating mga sarili, pamilya, at bansa. Kung pupwede lang nating magbigay-pugay sa ating mga OFW araw-araw sa pamamagitan ng Facebook, Twitter, YouTube, o telepono…

Magiting talaga ang mga Pilipino. Hindi sumusuko sa mga hamon ng buhay. Kahit na napakahirap na problema, kinakaya natin at binibigyang-aksyon ang mga ito. Magbigay sana ng leksyon ang mga ginawa ng Singapore, China, at South Korea na kahit na sila ay hirap noon ay marunong ding tumayo sa kani-kanilang mga paa at gumawa ng kanilang mga kapalaran para sa ikauunlad ng kani-kanilang mga bansa. Sana, mapalitan na ng kagitingan ang kahirapan. Sana, mapalitan na ng kasipagan ang katamaran. 

Ang mga Pilipino ay isa nga sa pinakamasasayang tao sa buong mundo, kaya maaari tayong umunlad at umasenso kung lahat tayo ay magiging magiting, tapat, at masipag sa ating kapwa. Iyan ang maari nating ipagmalaki sa mundo — “It’s more fun to be Filipino. It’s more fun to be in the Philippines.”


0 thoughts on “Lupang Hinirang: Lupa Ka Nga Ba Ng Mga Magigiting?

  1. maitanong ko lang… paano mo ba nasabing naghirap ang bansa natin noong rehimen ni dating pangulong marcos kung ikaw mismo nagsabing “…bumaba ang krimen at lumago ang ekonomiya at umasenso ang ating lipunan…”?

Leave a Reply

Top