You are here
Home > Uncategorized > It’s More Fun in the Philippines: Seryoso Ba Ito?

It’s More Fun in the Philippines: Seryoso Ba Ito?

Alam nating mga Pilipino na ang turismo sa Pilipinas ang isa sa mga pinakamahalagang industriyang magpapaunlad sa ating bayan. Ngunit, sa ilang taon kong tinawag na tahanan ang bansa, lalo na ako’y nakatira sa kalakhang Maynila, napansin ko nang mas-masinsinan ang mga baho ng ating bansa, tulad ng katiwalian, krimen, at kumpadre-kumadre system, na ang mga iyon ay nakakatulong sa pagwasak ng ating imahe sa mata ng mga dayuhan.

Alam rin natin na mayaman ang ating bansa sa mga magaganda at katangi-tanging tanawin na bibihira lang makita sa ibang panig ng mundo, tulad ng coral reefs at ang Underground River ng Palawan, Chocolate Hills at tarsier ng Bohol, Mayon Volcano at butanding ng Bicol, at iba pa. Ngunit, may mga lugar rin na dahil sa ganib at kapabayaan, nasisisira ang ganda ng ating mga kabundukan, ilog, at karagatan na nagiging dahilan ng mga baha, pagguho ng lupa (landslide), at pagwasak ng mga komunidad, tulad na lang noong nangyari sa Bagyong Sendong na tumama sa Iligan at Cagayan de Oro, o ang mga Bagyong Ondoy at Pepeng na puminsala ng libo-libong bahay sa Kamaynilaan at mga karatig probinsya.

Kaya noong nalaman ko ang bagong mukha ng turismo sa ating bansa, pinamagatang “It’s More Fun in the Philippines”, nagduda agad ako sa kinahihinatnan nito. Malamang, ako’y natutuwa na nakabuo ng panibagong slogan na pupwedeng magdala ng pera, mga dayuhang turista, at pagkilala ng ating bansa sa mayamang kasaysayan, masaganang pag-unlad, at mainit na pakikisalamuha sa kapwa. Subalit, ang gusto ko ring itanong sa Kagawaran ng Turismo ng ating bansa ay ang mga sumusunod: 

  • Papaano po ninyo tutugunan ang mga isyu ukol sa mga kaguluhan sa Mindanao? 
  • Nadala na ba kayo sa mga nangyayari sa ating kalikasan buhat sa pagkakalbo ng ating mga kagubatan at pagdumi ng ating mga daluyang tubig? 
  • Ano ang silbi ng bansa na dahil sa korupsyon at burukrasya ay naiiwanan na tayo ng ibang bansa sa Asya pagdating sa proyektong pang-imprastraktura, lalo na ang NAIA ay binansagang isa sa mga pinaka-pangit na paliparan sa buong mundo?
  • Papaano po kayo tutulong sa mga airlines ng Pilipinas na nagdurusa pa rin sa Category 2 status ng FAA mula sa Amerika at pinagbabawal pa ring ipalipad ang mga eroplano nito sa Europa?
  • Kung naging matagumpay ang kampanyang ito, sinyales na ba ito ng pagbabagong-mukha, pagbabagong-ugali, at ganap na pagkilala ng ating bansa na isang magandang puntahan at pasyalan ng mga dayuhan?

Pasensya na at marami akong tanong na puwede kong ibato, hindi lang sa mga opisyal ng pamahalaan, kundi sa atin ring mga mamamayang Pilipino. Kahit na ako’y naninirahan sa Amerika, ipinagmamalaki ko pa rin ang aking pagka-Pilipino. At ngayong nakabuo na ng slogan ang Kagawaran ng Turismo na nagpapakita ng ganda ng ating bayan, sana naman, bawasan na ang pagbabato ng sisihan, pagiging tamad at ganib, at pag-abuso ng kapangyarihan ng pamahalaan at ating kalikasan. Magtulungan na tayo sa paghatid ng balitang maganda ang Pilipinas: natatangi ang ating bayan dahil sa dami ng mga pulo nito, mayaman sa kasaysayan at kasarinlan ang makikita mula sa mga Igorot ng Baguio hanggang sa mga Badjao ng Mindanao, at maraming pwedeng pasyalan ng mga tao–natural at gawang-tao–na maaari nating ipagmalaki. 

It’s much more fun in the Philippines than anywhere else in the world — ipagmalaki ang sariling atin!

0 thoughts on “It’s More Fun in the Philippines: Seryoso Ba Ito?

  1. I’ve been looking for books of this nature for a way too long.I harmonise with your conclusions and will eagerly look forward to your next updates.

  2. Thank you for taking the time to publish this information very useful!Considerably, the article is in reality the best on this precious topic.

Leave a Reply

Top